Friday, October 10, 2008

Triangulong Putik sa Dumi


Pagkaduhagi ng lugmok na kahirpang lahing Pilipino.Bakit 'di pakinggan ang mga anas ng dugong nagdaramdam? Bakit hindi baligtarin ang sikmura ng mga sikmurang butas sa dumi? At bakit kailangang iisang-tabi ang sigaw ng sanlibutang ayaw sa kahirapan?

Triangulong putik marahil ang dahilan. Sa pagnanasang maarok ang tugatog ng kaginhawaan, langgam sa ibaba'y kanilang natatapakan. Habang tinititigan ng mgsa ito ang nasa itaas, unti-unti silang pinapatay ng sikmurang ngahihintay ng kahit na maliit na butil ng bigas, upang kanilang maiuwi sa abang tahanan. Nasaan na ang di-umanong D'yos ng mga langgam? D'yos na nangakong silay tutulungan. Subalit ng magkaroon na sila ng kapangyarihan, abang mga langgam, kanila nang nakalimutan.
Hindi ka ba naawa? Sila'y naghihintay lamang ng inyong pagsagip. Pagsagip sa gitna ng alon ng kahirapan. Hindi ka ba nagsasawa sa triangulong putik sa dumi? Ba't hindi mo ito linisin? Ba't 'di mo ipag-isang tabi ang sariling pagnanasa?

Boses sa itaas ay nangingibabaw, nangingibabaw sa lakas, galit at dumi. Iringan sa salapi ay isinasampal sa mukha ng bawat pagkatao. Larawan ng Pilipinas sa mundo'y nagbago. Pagkalanta ng buhay ay nagsimula, dati'y langgam lang ang sentro, ngayo'y ginto na. Gintong kumitil sa buhay ng ilan. Salapi na nga ba ang D'yos ng mga D'yos? Kaya kung bakit mga langgam ay walang Diyos? Barya na nga ba ang gulong buhay? Kay tao sa ibaba'y hindi makuhang tumaas?

Pilipino ako, Pilipino tayo
Ang kaibahan lamang ay mahirap ako!
Subalit sa karapatan, alam kong pantay tayo
Parehong Pilipino, PAREHO RING TAO!

Mabuti pa ang langaw kahit na marumi ay sinasamahan ako tuwing gabi. Mabuti pa ang aso'y ipinagtatanggol ako. Subalit ang mga tao'y, itinataboy ako! Malinis man ang iyong damit, ginto't pilak man sa iyo'y nakasabit, pagdating mo sa langit, pakitandaan lang, lahat ng iya'y iyong ililigpit.

Kahit na mahirap, kahit na madugo, alam kong sa dulo'y D'yos ang aking kasama. Siguro nga'y may iba't-ibang dumi: dumi sa damit, Dumi sa buhay at dumi sa pagkatao. Kahit na marumi aking damit, hindi na lang ang aking pagkatao.
Sa huli Ang hukom ng sansinukob ang magpapasya, kung ang ating isusuot ay puti o itim.

Siya rin ang maghuhusga sa tunay na yaman ng isang tao. Sapagkat ang lahat ay bola lamang sa kamay na pinaiinog sa mundo.


Paglalahad ni:
Santos, June - June P.
Ce-1a

Pilipinas Laban sa Kahirapan

Ang video na ito ay nagpapakita sa ganda ng ating bansa. Kung pagbabasihan lang natin ang pinapakita ng video na ito, masasabi nga naman nating "Napakaganda talaga ng Pilipinas". Totoo naman hindi ba? Maganda ang ating bansa, alam mo bang sa Pilipinas lang makikita ang karamihan sa mga hayop na naninirahan sa karagatan? Alam mo bang ang Pilipinas noon ay pangalawa sa pinakamayamang bansa sa buong Asya? Alam mo bang napakadaming gustong makapunta sa Pilipinas upang makapag-aral? Oo, likas na sa ating bansa ang ganda. Nang nagsabog ang Diyos ng kagandahan, napakadaming nasalo ng Pilipinas. Madami nga ang nagsasabi na ang Pilipinas daw ay isang perfect destination para mag-relax at mag-enjoy. Nagsusumiksik nga naman sa biyaya ang ating bansa. Pero nag-uumapaw din ba ang pagmamahal natin sa bansang tinuring na Pearl of the Orient?

Sa ngayon, ang kagandahan ng Pilipinas ay naisasantabi. Ang mga balita tungkol sa kagandahan ng Pilipinas ay unti-unting natatabunan ng kapangitan nito. Mabaho, madumi at magulong bansa daw ang Pilipinas ayon sa aking nabasa sa mga foreign at local websites. At isa sa mga nakakasira sa kagandahan ng ating inang bayan, ang isyu tungkol sa laganap na kahirapan.

Ang pangulo ng Pilipinas na si Pang. Gloria Macapagal-Arroyo ay isinusulong ang "Labanan ang Kahirapan". Maganda ang proyektong ito. Pero paano ito sisimulan? At gaano kaposible ang ganitong proyekto na lalabanan ang kahirapan?

Edukasyon, marami ang nagsusulong na pagandahin pa ang kalidad ng edukasyon ng ating bansa. Noon, ang Pilipinas ay isa sa may pinakamataas na literacy rate sa buong mundo. Pero ngayon, tayo ay isa sa pinakakulelat pagdating sa math at science. Kung pagagandahin ang kalidad ng edukasyon, madami ang mahuhubog na Pinoy na maaaring maging magaling na pinuno, magaling na doktor, magaling na guro at iba pa na makakapag bigay ng magandang ekonomiya sa ating bansa. Maganda ito, lalo na't napakadaming Pilipino ang sabik sa pag-aaral at may taglay na talino. Kung problema nga naman ang populasyon, bakit hindi natin pag-aralin lahat ng ito at gamitin bilang panlaban sa bakbakan ng mahuhusay na dayuhan pagdating sa arts, sports at iba pa.

Makipag-ugnayan sa mayayamang bansa. Ang Pilipinas ay nakikipag-ugnayan sa iba't ibang bansa upang bumuo ng magandang relasyon sa pagitan ng mga ito. Ang Estados Unidos ay isang magandang halimbawa. Ang Estados Unidos ay isa sa mga mananakop ng ating bansa noong nakalipas na panahon, ngunit ngayon, nakikipag-ugnayan muli tayo sa kanila hindi bilang kanilang pagmamay-ari kundi bilang kaibigang bansa. Maganda ang ganitong ugnayan. Totoo nga naman na kung may problema ang ating bansa, nariyan agad ang Estados Unidos upang sagipin tayo sa kasadlakan. Nariyan sila upang tulungan tayo sa pag-ayos ng ating bansa. Ngunit, nariyan din sila upang gamitin ang ating bansa bilang overseas naval base ng kanilang hukbong pansandatahan. Habang buhay na lang ba tayong aasa sa mga mayayamang bansa? Hindi ba tayo pwedeng kumilos bilang isang bansa na may sariling paa patungo sa kaunlaran?

Para sa akin, ang sagot sa kahirapan o kaunlaran ay pagmamahal sa inang bayan. Ang Korea noo'y nasadlak sa malaking krisis nang matapos ang Korean War. Nasira ang buong bansa, halos lahat ng Koreano ay walang matirahan dahil nasira ito ng giyera. Tila wala nang pag-asa na makabangon muli ang bansang South Korea mula sa kahirapan. Ngunit, hindi sila nawalan ng pag-asa. Muli nilang itinayo ang kanilang bandera. Ang lahat ng mga propesyonal na doktor, guro, inhinyerong Koreano ay nagsibalikan sa kanilang bansa upang tulungan ito kahit na alam nilang halos wala silang kikitaing pera kumpara sa iniwan nilang ibang bansa. Ganito ang eksenang nanaig sa bansang Timog Korea. Pagmamahal sa inang bayan ang nanaig sa bawat mamamayan na nagdala sa kanila sa matamis na daan patungo sa muling kaunlaran. Sa ngayon, isa ang South Korea sa pinakamayamang bansa sa Asya. Sana'y gawin nating inspirasyon ang kwentong ito sa pagpapaunlad ng ating bansa. Mahalin natin ang ating bansa tulad ng pagmamahal natin sa sarili. Suklian naman natin ang ginawang paghihirap ng mga ninuno natin upang makamit ang inaasam na kalayaan. Pagmamahal sa inang bayan ang makapagbibigay sa atin ng susi ng kaunlaran, susi patungo sa pagpuksa sa kahirapan!

Likha ni: Kelvin Servigon

Thursday, October 9, 2008

Ang Sanhi Ay Kahirapan

Nang tayo'y isinilang dito sa mundo
kaginhawaha'y namayani sa puso
inaruga ng mga taong totoo
ginagabayan saan man mapatungo.

Dumaan ang panahon, biglang nag-iba
hirap ng buhay ay akin ng nadama
Lungkot ay dumating, inagaw ang saya.
Sa problema'y kulong, kailan ba lalaya?

Kay daming hadlang ang nasa ating landas,
na kung iisipin, tila walang wakas.
Lahat ay nagsusumikap na makalagpas,
sa mga suliraning sadyang kay rahas.

Sa ating paligid ay kapansin pansin,
lahat ng tao'y kay raming suliranin.
Hindi maitago, hapdi ng tiisin
di kayang ikubli, bigat ng saloobin.

Ang iyong paligid ay iyong pagmasdan
ilang pamilya ba ang walang tahanan?
sila'y nakatira lamang sa lansangan,
Di mabubuhay kung di kakaawaan.

Mga taong sa edukasyon ay salat
dahilan upang hamakin ng lahat
Nag susumikap para sarili'y iangat
anumang hirap sa kanila'y itapat.

Ang mga bata'y pilit na nagtatrabaho,
umaasang buhay nila'y mababago
Kinabukasan nila'y wag lang mag laho
sa kagipitan ay hindi papatalo.

Anu bang ugat ng mga kahirapan?
ito ba'y dahil wala ng katapatan?
Mga pinuno nati'y nag aagawan
sa mga yamang pag aari ng bayan.

Ang kahirapa'y lalong lumalala,
Ang pag asa'y tuluyang nawawala.
Hindi malaman kung sino ang may sala
Kapighatian, sino ang may dala?

Ang lahat ng hirap ay pagsubok lamang
ng Panginoon na sa ati'y lumalang.
Upang mabuhay kailangan ay tapang,
para ating buhay ay hindi masayang.



Mula kay: Mary Ann P. Cruz

Dahilan at epekto ng kahirapan


Pagkatapos ng industriyalisasyon
pag-unlad at ng modernisasyon
Ay naglitawan din mga bahayan
Nakatayo! Katabi ng kailugan.

Mga Squaters ang tawag sa kanila
tinatapakan at inaalipusta
sabi ng iba'y, "mahirap pa sa daga"
Bakit ba ganoon? 'di na sila naawa.

Lumalaganap na ang krimen sa atin
Carnap, Holdap, kidnap for ransom meron din
Pumapatay, may perang nakahain
Ito'y dahil sa mahirap ang buhay sa atin.

Paglobo ng populasyon lumalala
Trabaho ni tatay, nanay ay wala
Pampalipas oras lamang ang paggawa,
Sinasabing biyaya ng Diyos ang bata.

Mga anak ay payat, 'di mapakain
'pagkat napakaraming mga gastusin
Kaya't ang aking payo at dinidiin,
Matutong gumamit ng family planning.

Ang iba ay nalulong sa droga
Shabu, Marijuana, marami pang iba.
para daw makalimutan ang problema
Sa pamilya, kaibigan at sa pera.

Ano kaya ang ginagawa ng gobyerno?
Upang malutas ang suliraning ito?
May aksyon na kaya ang ating senado?
mababang kapulungan at kongreso?

Tila ba sila ay nagpapasarap lamang
kayamanan ng bansa ay ninanamnam
Tungkulin nila'y hindi ginagampanan
Ang paglilingkod sa mga mamamayan.

Kahirapan sa bansa ay laganap na
Kumakalat itong parang epidemya
Para itong isang pagkaing de-lata
pagkatapos kainin, itatapon na.

Huwag nating hayaan ang mayayaman
na tayo ay maliitin at tapakan
'pagkat tao rin tayo na siyang nilalang
ng Diyos kaya't may pantay na karapatan.

Lemuel Cris D. Lizarondo

KAHIRAPAN: Paano ka Mawawakasan?


Kahirapan, ang epidemya ng lipunan na patuloy ang paglaganap. Ito ang isa sa kasalukuyang nangungunang problema ng bansa, ito din daw ang prayoridad ng ating pangulo sa ngayon. Sana sa paraang hindi pang one-night-stand ang dating, kundi sa paraang pangmatagalan.

Paano ba magwawakas ang kahirapang dinaranas ng bawat Pilipino?

Unahin na natin ang trabaho. Aminin na natin na kulang na kulang ang opurtinidad sa Pilipinas. Kaya marahil marami sa ating kababayan ang nangingibang bansa para kumita ng malaki laking pera para mabuhay ang kanilang pamilya. Sa panahon ngayon mahirap na talagang humanap ng magandang trabaho kahit ikaw ay nakatapos ng pag-aaral. May ilan ngang nakatapos na ng pag-aaral ay pumapasok pa din bilang isang Factory Worker. At kapag hindi ka naman pinalad na makatapos ng pag-aaral, maliit ang tsansa mong makapasok sa isang trabaho. Kung umaayon naman sa iyo ang pagkakataon, makakapasok ka sa isang trabaho, ngunit mababa pa din ang sahod.

Isunod natin ang Edukasyon, ayon kay Dr. Jose Rizal "Ang Kabataan ang Pag-asa ng Bayan". Ngunit papaano magiging posible ito, kung karamihan sa mga kabataan ngayon ay hindi nakakapag-aral. Hindi sila nakakapag-aral dahil sa taas ng matrikula ngayon. Kalimitan mo silang matatagpuan sa kalye at mga lansangan, nanghihingi ng limos at iba naman ay may hawak hawak na Sampagita na kanilang itinitinda. At kung sila naman ay nakakapag-aral, marami ding problema ang kanilang kinahaharap. Nandiyan ang kakulangan sa Guro at mga pasilidad sa eskwelahan tulad ng Libro at mga Silid-aralan kaya ang ibang Kabataan ay pinipili na lang magtrabaho para daw makatulong sa kanilang pamilya sa halip na magpabigat.

Talakayin naman natin ang Populasyon. Sa ngayon patuloy ang paglaki ng populasyon ng Pilipinas, kalakip nito dumadami din ang pagdami ng mahihirap sa ating bansa. Hindi ba ninyo napapansin na kung sino pa yung mahihirap ay sila pa yung madaming anak. Hindi ba nila naiisip na lalo lang nilang pinahihirapan ang kanilang sarili dahil nadadagdagan pa ang kanilang pangangailangan. kung sa bagay sanay na sila sa hirap. Dahil sa pstuloy na paglaki ng populasyon natin, may batas na gustong ipatupad ng mga kongresista na tungkol sa "Birth Control "pero ito'y tinutulaan ng Simbahang Katoliko dahil ayon sa kanila ang paggamit ng "Contraceptives" ay isang paraan ng pagpatay sa bata. Kaya naman lumalaki ang populasyon ng mahihirap sa ating bansa.

Ngunit ang bawat tao ay may kakayahan kang iangat at itaguyod ang iyong sarili. Ngunit paano mo iaangat ang iyong estado ng pamumuhay kung ang lahat ng iyong pangangailangan ay nagtaas ng presyo. Nandiyan ang bigas, langis, de lata at marami pang bagay ang nagtaas na ng presyo. Maging ang pandesal na laman ng bawat hapag-kainan ng mga Pilipino sa umaga ay magtaas na din ng presyo.

Sa panahon ngayon ano ang magagawa mo upang maiahon o maiangat ang iyong estado ng pamumuhay kung maraming nakahadlang sa iyong daraanan. Pero ganun pa man, kailangang magpatuloy sa pakikibaka sa buhay, buhay na maraming problema. Lagi mo lang iisipin na ang bawat problema ay may solusyon. At lagi mo lang iisipin na nandiyan lang ang ating Panginoon na laging nakaalalay sa atin huwag ka lang mag-alinlangan na tumawag sa kanya.

Alfred C. Santos

Mag BLOG na!!!!!....

Kung iyong iisipin ang sagot sa tanong na ito (Blog Sagot sa Kahirapan?), ano ang unang isasagot mo? Ang una kong sasabihin, OO. Una, dahil ako ay isang blogger at alam ko ang kaugnayan ng pera sa ginagawa ko ngayon. Maaring maging sagot ito sa kahirapan at maaari itong makatulong kahit sa maliit na paraan lamang. Ngunit kung tatanungin natin ang isang hindi blogger, maaaring isagot nya, “Hindi ko alam.”
Ano nga ba ang pananaw ng isang hindi blogista sa blogs. Maaaring ibat-iba. Kung babalikan ko noong unang pagkakataon na ako ay nagsulat sa blog na ito pitong buwan ang nakaraan, wala sa isipan ko ang ideya na maaari pala akong kumita sa blog. At dahil sa interest kong ipagpatuloy ang pagsusulat dito, unti-unti kong natutunan ito.
Ang mga sagot na ito ay isa sa mga libo-libo na maaari nating madinig sa isang blogista. Lahat tayo dumaan sa prosesong ito.
Balik tayo sa tanong. Maaari bang maging sagot sa kahirapan ang pagba blog? Bakit hindi? Maaaring ang ilan ay natatawa sa tanong na ito. Maaaring ang iba ay sang-ayon at ang ilan ay hindi. At maaari naman ang iba ay walang pakialam. Pero naisip mo na ba kung tuturuan natin ang ilang kababayan natin na mag-blog, sa tingin mo ba maaari din nilang kitain ang kinikita ng iba? Ang aking sagot, OO.
Ating suriin, halimbawa, kung ang isang pangkarinawang empleyado ay kumikita ng P350/day x 22 days = P7,700.00 or equivalent to US$188.00 per month (US$41). Sabihin nating 10% na lamang ang kaltas mula sa TAX, SSS, PAG-IBIG etc. ang kabuuang makukuha nya sa isang buwan ay P6,930.00 or US$160.00.
Paano kung mas higit pa sa halagang yan ang kitain nila sa pagba-blog? Tingin mo ba, isang malaking tulong na iyan sa isang taong hindi sapat ang kinikita?
Hindi sa pagmamalaki ang halagang yan ay higit pa sa kinita ko noong nakaraan buwan sa aking pagba-blog. Ako ay bagito pa lamang para i-monetize ang blog na ito. Nagsimula akong gumamit ng Google Adsense noong September 2007 at sa mga bayad na serbisyo mula sa advertisers noong December 2007 lamang. Malaki ang aking pasasalamat sa taong nagbukas ng aking kaisipan sa ideyang ito. Siya ang isa sa mga bloggers na maipag-mamalaki natin, si Reyna Elena
.
Hindi ko hinikayat ang sinuman ang maging tamad sa paghahanap ng trabaho at lalong hindi ko hinihikayat ang sinuman na magresign. Ngunit kung iisipin mo, kung hirap ka sa paghahanap ng trabaho, bakit hindi mo subukan ito? At kung me hanap-buhay ka naman, bakit di mo gawing part-time ang pagsusulat?
Hindi po layunin ng blog na ito na gawing komersyalismo ang larangan ng blog. At lalong hindi po ako naglalayon na sirain ang reputasyon nating mga blogista. Maaari sa panahon ngayon, isang paraan para makatulong tayo sa ibang kababayan natin ay mailarawan at maipakita sa kanila na mayroon palang pag-asa para kumita ng pera sa malinis na paraan. Huwag nating ipagdamot ang ating mga kaalaman. Kapwa Pinoy dapat tayo’y nagtutulungan.
Nawa’y nakatulong ang artikulong ito lalo na sa mga nagbabalak pasukin ang larangang ito. At sa mga kapwa ko blogista, kung mayroon kayong nais idagdag dito, kayo ay maluwag kong inaanyayahan na mag-iwan ng konting payo para buksan ang kaisipan ng ilang mga kababayan natin.
Maraming salamat po at Mabuhay tayong mga Pinoy Bloggers!
Rose Anne S. Guico CE 1A

Epidemya ng Kahirapan: May Gamot pa ba?

"Mahirap maging mahirap"-- kadalasan kong naririnig sa mga telenobela king saan ang mga bida ay mahihirap lamang.
Kahirapan, napakalawak kung bibigyan ng depinisyon at paliwanag. Tila isa itong malaking unos sa gitna ng araw. Isang bagay na bumubulok at sumisira sa sistema ng isang tao at sa komunidad na ginagalawan niya.
Sa ating bansa tila may sakit na walang kagamutan. Isang sakit na pumatay at patuloy na pumapatay sa milyon- milyon nating kababayan. Saan nga ba nagmula ang kahirapan? Sa mga bacteria, viruses o iba pang masasamang elemento sa paligid? Marahil, kung ang kahirapan ay nagmula sa ganoong bagay, siguro, ang mga syentista ay nakagawa na ng mga gamot upang masolusyonan ang mga problemang ito.
Ngunit ano nga ba ang tunay na sanhi ng kahirapang ito?
Ayon sa marami,ang kahirapan daw ay nagmula sa napakaraming bagay-- mga bagay na sa ngayon ay 'di natin malaman kung ano.
Minsan, sa paglagaling namin sa isang supermarket,, may nakita kaming isang batang magbabakal bote. 'Di ko malaman kung ano ba ang nararapat gawin. Kinausap namin ang bata. Siya si Abner. Nag-aaral daw siya atnasa ikalawang baitang na. Panganay sa apat na magkakapatid. Hinanap namin ang kanyang mga magulang. Sa una'y di siya makasagot, marahil ay nahihiya. Ngunit sumagot siya, " Nasa bahay pu yung nanay ko. Inaalagaan yung mga kapatid ko." Nagtaka ako kung bakit 'di niya binanggit ang kanyang ama. Bago pa man ako magtanong, inunahan na niya ako. "Wala na po si tatay. Humanap na po siya ng ibang asawa, iniwan na niya kami. Mas pinili po niya yung babaeng sumasayaw sa club kesa sa nanay ko. Nahihirapan na daw po kasi siya sa amin. Kaya po ako nagbabasura ngayon ay para matulungan ang nanay ko sa pagbuhay sa amin." Napansin kong nangingilid na ang kanyang mga luha, kaya't tumigil muna kami sa pagtatanong. Nagpaalam siya kaagad sa amin dahil baka raw maunahan siya ng iba pang basurero at magbabakal sa pinagkukuhanan nila ng mapagkikitaan. Binigyan namin siya ng pera bilang kaunting tulong.
Sa pangyayaring iyon, mas nakita ko kung gaano talaga kahirap ang buhay sa ngayon. Ang mga kabataan sanang nasa paaralan para mag-aral ay nasa lansangan upang magtrabaho o 'di kaya'y mamalimos.
Noong isang linggo, nakapanood ako ng isang palabas na nagpapakita ng buhay ng isang batang bugaw, batang humihithit ng rugby, at mga batang pakalat-kalat sa lansangan. Kung ating pakaiisipin, ang mga bata bang ito ang sinasabing pag-asa ng bayan? Sino ba ang dapat sisihin sa mga bagay na ito? Ikaw? Ako? Ang gobyerno ba? Ang mga magulang ng bata na hinahayaan lang sila na magpakalat-kalat at magtrabaho sa kalye?
Napakarami ng nagtatayugan at naglalakihang gusali at impraspraktura sa ating bayan ngunit napakaraami pa ring pamilya ang walang bahay na magsisilbi sanang tahanan.
Napakaraming bagong imbentong "gadgets" at kagamitan ngunit napakaraming tao higit lalo ang mga bata ang namamatay dahil sa gutom.
Napakaraming bagong graduates ngunit napakaraming tao rin ang walang trabaho.
Tunay ngang napakahirap maging mahirap. Ngunit ano ba ang solusyon sa problemang ito. Nasa gobyerno ba ang solusyon? Kung ang lahat ng salapi na nililikom ng pamahalaan sa mga taong-bayan ay hindi napupunta sa katiwalian – graft and corruption at hindi nagagastos sa maling pagkakagastos – tiyak na malaking mababawas sa bilang ng mga pobre, magkakaroon tayo ng populasyon at ng progreso, magkakaroon tayo ng populasyon na siyang magiging puwersa at alituntunin ng kaunlaran. Ngunit, 'di lahat ng bagay ay responsibilidad ng ating pamahalaan. Nararapat na tayo'y tumulong sa kanila at kapit-bisig nating harapin ang magandang bukas...

by: Rhea Rhubie B. Nicanor

Gunita At Galak

Isa na siguro sa mga bagay na naranasan na nating lahat, maging sino ka man, nasa silangan man o kanluran, mayaman man o mahirap, matanda man o bata, ay ang paghihirap sa pangkalahatang salita, hindi lamang sa salapi. Lahat tayo nakaranas nang maghirap isa, dalawa, o maraming beses sa buhay natin. Mapalad ka na lang talaga kung hindi pa, o tunay mo nga lang talagang nasanay lokohin ang sarili mong pag-iisip, na hindi rin naman masama.
Bakit ko namang naisipang magsulat tungkol sa paghihirap? Marahil dahil na ito sa kalagayan ng daigdig natin ngayon. Grabe, hindi na talaga maganda ito, mga ekonomiya patuloy na bumabagsak, mga sakunang lubos sa pagkapus-palad, halaga ng gasolina at lahat na ng mga bilihan patuloy-tuloy ang pagtaas, mga taong naghihirap, gumagapang sa kahirapan ng buhay, taong may mga sakit, taong hindi makakain nang matino o makainom ng malinis na tubig, suliranin sa pamilya, sa pag-aaral, sa pag-ibig, sa pagkatao, sa katawan, lahat na! Ano na nga ba talaga ang nangyayari sa mundo?
Mahirap siguro talagang isipin at hakain kung gaano kahirap ang dinaranas ng nakararaming mga tao hangga’t hindi mo nasubukang tumayo sa kinatatayuan nila, lalong-lalo na kung pinagpala kang lumaki sa mabuting pamilya, pero hindi mo pa rin maitatanggi sa iyong isipan ang malubhang katayuan nitong mga taong ito.
Eh ang walang-katapusang tanong, tayo ba ang may kasalanan kaya’t ganito ang mga nangyayari sa buhay natin? Tayo ba ang nanghihikayat nitong mga negatibong sitwasyon papasok sa buhay natin? O tayo lang ba ang mga tangang walang ginawa kundi maghintay ng himala’t mabago nang bigla ang mga buhay natin sa halip na mag-isip kung paano maisasatuwid ang mga baluktot nating mga buhay at pagtiyagaan na gawin ito kahit na’t magiging matagal at mahirap?
Oo nga’t may mga bagay na hindi rin talaga nating maiiwasang mangyari sa atin, pero nasa atin lang kung paano natin haharapin itong mga hindi maiwasang mga bagay na ito. At kung paano natin gagawin ito nang hindi umaasa sa iba. Totoo, maganda ang pagtutulungan pero harapin naman natin ang katotohanan: ang mga tao nabubuhay lamang para sa sarili lamang, para umasenso, kailangan muna nating tulungan ang ating mga sarili, pagkatapos kung kaya natin, na talaga namang makakaya natin, matutulungan natin ang iba. Kasi naman, kung lahat ay naghihirap, eh paano naman makakapagtulungan, kahit man sabihin ng iba diyan na mas magiging madali ang mga bagay kung magtutulung-tulungan, eh ang mga tao nga, iniisip lang talaga niyan kung paano maiaahon ang mga SARILI nila muna, ayun ang unang-una nilang priyoridad, palaging iyon muna bago ang iba. Mayroon man diyang ibang makabayaning uunahin ang iba, pero iilan lang talaga ang mga iyon, at ang mangyayari, lulubog na lang sila sa kumunoy habang ang iba ay pilit silang ginagamit bilang patungan. Isang pangit na bagay ngunit iyan ang katotohanan.
Kaya mga tao, kung naghihirap man kayo, huwag nang ipaasa ang tulong sa iba, lahat ng tao nagdurusa, hindi lang ikaw! Sa buhay dito sa mundo, ang sarili mo lang ang hawak mo, ikaw may hawak ng kapalaran mo, at kung hindi ka magpupursige, ikaw rin ang malulugi. Ang mabuhay ay parang pagtakbo, hindi ka makakarating sa paroroonan mo hangga’t hindi mo gagamitin ang sarili mong mga paa upang tumakbo. May posibilidad mang may mag-aakay sayo, o may magtutulak sa iyo, pero na sa iyo na rin kung gagamitin mo ang oras mong maghintay para sa isang bagay na walang katiyakan, o talagang pipilitin mong tumayo at tumakbo sa kabila ng mga galos at hinagpi na naranasan, dinaranas at mararanasan mo.


Anthony Carlo Mariano

tadhana ng kahirapan

kahirapan,oh anong anyo ng mundo,
hindi maiwasan ni hindi masugpo,
bakit ganito laan ng kapalaran,
hiram na mundo`y sa taong inilaan.


bawat tao`y ipinanganak ng pantay,
bawat kapalaran ay magkakahanay,
pero bakit ganun ang buhay ay sawi,
kahirapang umaapaw sa pighati.

ako`y saksi sa malupit na tadhana,
pagkakataong hindi nya maibigay,
pagkakataong mamuhay ng maayos,
sapat,kuntento at maligayang lubos.

ganito na lamang ba ang taong uhaw?
pagkain,inumin, at tahanang ligaw,
pilit nagtarabaho ng buong lakas,
kaligayahang handang magbigay ng wakas.

mahihirap,sikmura ay kumakalam;
walang makain, ni panlaman sa sikmura,
namamatay nang dahil sa kahinaan!
kaawa awa,sa sakit walang laban.

sa lamig ng gabi at nitong tag-ulan,
wala silang bahay,tamang kasuotan,
ano kanilang magiging pansanggalang?
kawawang mahirap nasa kamatayan.

sa ibang lupa sila ay inalila,
masakit na deskriminasyon napala!
imbis pasasalamat ay alipusta:
puri`t dangal nilang mahirap nawala.

bitbit ng kahirapan ay kamangmangan,
mahihirap `di lugar ang eskwelahan,
tuloy nagbata kanilang kaisipan.
paano makaahon,di nila alam.

mabigat na pasanin di makayanan;
isiping patuloy na nadaragdagan,
pobreng tao nawala sa katinuan,
walang kumopkop ayun nasa lansangan.

hanggang kailan ba ito pilipinas?
papaano,sa lugmok na lagay aalpas,
sa anyo nitong bangungungot makakalas?
sa kahirapang ugat nang nakalipas!...

likha ni:MARY JOY ROARING
CE-1A


Nilalamong Bunga ng Karukhaan


Sa pagtaas ng bayad sa eskwelahan,
'di makapag-aral ang karamihan;
Ito ay dulot na din ng kahirapan
At ang nagiging epekto'y kamangmangan

Kahirapan, nagdudulot ng kamatayan
Dahil sa matinding pangangailangan;
Nakagagawa ng masama ang ilan
para sa sikmura'y mawala ang kalam

Nagnanakaw, nang-hohold-up ang ilan
Para idaos ang araw na dadaan;
At kung mahuli, bilanggo sa piitan
Nang pagdusahan, nagawang kamalian

Ang iba ay nagtitinda ng droga
na nagdudulot ay masama sa bawat isa;
Kaya kahirapan ang tanging problema
Ba't may nalulong sa gawaing masama.

Pero sila ay 'di natin masisissi
Kung ba't sila'y nakagawa ng ganito;
Sa kahirapan nakagawa ng mali
Para iangant ang kanilang pagkatao

Pa'no na ang tao na bago sa mundo
Makakaranas din sila ng ganito?
Ang buhay din nila'y masisira
Kung 'di maayos ang gan'tong problema

Ano ba'ng dapat gawin ng kabataan
Sila din ba'y maninira na lang?
Paano na lang ang pag-asa ng bayan
Kung lahat ng namumuno ang dahilan?




Likhang tula ni: Kevin Cruz

Kahirapan sa Mundong ating Ginagalawan

Sadya nga talagang kahirapa'y tanyag,

Lalong dumarami bayang nalalaglag.
Parang isang sakit kay daling kumalat,
Katulad ng bilis ng matuling kidlat.

Sa ating paligid iyong mapapansin,
Tao, bagay, lugar pati na gawain.
Tila isang Obra ng Diyos na Butihin,
Bawat likha Niya'y may dahila't layunin.

O bakit ganito kinagisnang mundo,
Mga patakara'y walang pagbabago.
Itong naghihirap lalong nasasadlak;
mayayaman nama'y hayu't kaybusilak.

Sino ba'ng tutulong upang makaahon,
Sa mga problemang nasa'n ang solusyon;
Halina't gumising tayo'y hinahamon,
Nitong ating mundong kaytagal nang baon.

O sadyang kayhirap isilang sa hirap,
Palagi na lamang itong nangangarap.
Yaman nitong buhay laging hinahanap,
Tanging inaasam mabuhay sa sarap.

Ngunit ano nga ba ang pinagmulan,
Kung ba't kaya ngayon ay nahihirapan?
Sinong nararapat na ating sisihin,
Sa lahat ng itong dinadalang pasanin?

Itong edukasyon isa sa dahilan,
Kung bakit ang tao'y kapos kaalaman.
Nariyan ang iba 'di nakapag-aral,
Kung kaya naman lumaking mga hangal.

Bawat oras natin huwag nang sayangin,
Bigyan ng halaga ating pagyabungin.
Darating ang oras tayo'y sisingilin,
Nang sariling bayang sawa ng mangilin.

Itong munting aral ng tulang sinulat,
Mayro'ng kinalaman sa pagiging salat.
Sa bawat biyayang ating tinatanggap,
Marapat na tayo'y laging magsumikap.

Sa buhay man ngayon ay nahihirapan,
Hindi dapat natin ito pabayaan.
Ito'y nararapat na inaalala,
Na sa kahirapa'y makawala't lumaya.

By: Janine C. Magsakay
Ce-1A


Pisara

Hapon na. Labasan na ng mga estudyante sa paaralang hindi niya alam ang pangalan. Nagmadali na siyang pumunta sa may gate ng paaralan; nag-aabang sa isang estudyanteng hindi nakakalimot sa pagbibigay sa kanya ng pagkain.Minsan ay ginagabi na ito sa paglabas, pero ayos lang 'yon.

Naghintay lang siya. Mukhang gagabihin siya ngayong araw. Hindi niya alam kung bakit ginagabi ang estudyanteng 'yon; maaga namang lumabas ang iba. Sa tingin niya ay hindi niya 'yon kailanman malalaman pa; walang pag-asang makakapag-aral siya. Malabo.

Pero paano nga ba siya napadpad sa lugar na 'yon? Hindi niya na maalala. Ang alam n'ya ay umalis siya sa kanila; ayaw n'ya na sa lugar nila - magulo, at laging mainit ang ulo ng mga tao. Pagkatapos nu'n ay nakakita s'ya ng kumpol ng mga bata na naglalaro sa may parke. Nakilaro s'ya at sumama na sa kanila. Pare-pareho silang kumalam ang tiyan, umasa sa ulan sa paliligo, at walang habas na nangulit ng mga tao para sa kaunting barya.

At nakarating na nga sila sa lugar na 'yon at nakilala ang estudyanteng hinihintay n'ya ngayon. Iba s'ya. Hindi siya nainis nu'ng kinulit n'ya ito para sa kaunting limos, pero hindi rin naman siya nagbigay ng pera. Pagkain ang binigay nito sa kanya. At habang kumakain s'ya nu'n ay tinanong ng estudyanteng 'yon ang mga nangyari sa buhay n'ya. Gumaan agad ang loob n'ya sa estudyanteng 'yon.

Ganu'n din ang nangyari ng sumunod na araw... at ng sumunid pa... at nmg sumunod pa... hanggang makagawian na n'ya na abangan ang estudyanteng 'yon araw-araw na may pasok sila.

Ayan na siya!!! Ang estudyanteng may katagalan na rin niyang hinihintay. May dala itong kung anong bagay, pero hindi niya 'yon alam kung ano.

"Para sa'n 'yan, ha?" ang tanong niya.

Binigay nito sa kanya ang dalang pagkain bago sumagot. "Para sa'yo. Pisara 'yung tawag d'yan. Maliit nga lang 'yan. D'yan ka magsusulat" - may pinakita itong mga puting stik - "gamit ng chalk. 'Di ba sabi mo sa'ken dati gusto mo'ng matutong 'sulat pangalan mo?"

Wala siyang nagawa kundi ngumiti.
***
Hapon na. Labasan na ng mga estudyante sa paaralang hindi niya alam ang pangalan. Nagmadali na siyang pumunta sa may gate ng paaralan. Natutuwa siya. Gustong-gusto na niyang makita ang estudyanteng hindi nakakalimot sa pagbibigay sa kanya ng pagkain. Sa wakas ay maipapakita na niya sa estudyanteng 'yon ang bunga ng ilang araw n'yang pagtitiyaga sa pagtuturo sa kanya:

"Jing"

Naisulat na niya ang kanyang pangalan.
***


Ni: Aileen DC. Sanchez


Anino ng Kapitolyo



"Tik-tak-tik-tak-tik-tak"

"Aww! Ala singko na!"

"Yehey!"

Kapitolyo moments na naman. Ito ang pang araw-araw na eksena sa aking buhay noong ako'y High School kasama ang barkada. Ilang oras na kwentuhan, asaran at tawanan. Kapitolyo na ang naging tambayan ng mga estudyante. Malaya kasi ang bawat isa na pumunta rito.

"Ate, ate, penge naman pong piso..." dalawang bata ang kumalabit sa aking braso. Marungis, puro grasa, hindi maayos ang pananamit, magulo ang buhok at para bang laging pagod.

Pangkaraniwan na ito sa lugar ng kapitolyo; mga batang nagkalat at nanghihingi sa mga estudyanteng naglalakad. Marami ang lumalayo ngunit may ilan din namang naawa at nililimusan sila.Pumasok sa aking isipan, nasaan ang kanilang mga magulang? Bakit hinaayaan nila ang mga batang ito na gawin ang mga bagay na dapat ay hindi nila ginagawa. Makatarungan ba ang kanilang sinasapit ngayon? Musmos pa lamang sila ngunit sadlak na kaagad sila sa hirap ng buhay.

Nabalik ang tuon ko sa dalawang bata, syempre hindi mo maiaalis sakin ang pag-iwas, ngunit alam ko naman na hindi dapat iyon ang aking gawin. Para sa akin mas pipiliin ko silang bigyan ng makakain kaysa sa pera masisigurado kong mabubusog pa sila.

Napakaswerte ko!!! Ito lang ang tanging tumatakbo sa aking pagiisip ng mga panahong iyon, dahil may mga magulang ako na hindi ako hinahayaang magpakalat-kalat kung saan-saan, binihisan nila ako ng maayos, inalagaan ng mabuti, pinaranas nila sa akin ang pagiging bata, nakapag-aaral ako, naktutulog sa maayos na higaan at higit sa lahat ginagabayan ako sa aking mga ginagawa. Oo nga, mali na ipagkumpara ang aking sarili sa mga batang iyo, ngunit hindi ko talaga ito maiwasan. maraming bagay ang dapat kong ipagpasalamat kahit mumunti lang ito dahil napakapalad ko.


Ito ba ag tunay na anyo ng kapitolyo? Sa likod ng magandang imahe nito ay ang kahirapang hindi mapagkakaila ng sinuman? Dahil sa bawat bata na makikita, masasalamin ang realidad ng buhay. Ang kahirapang lumalamon pailalim sa ating mga pilipino. Pilit man nating itago, nariyan ang katotohanan,ang anino na patuloy nating kasama.

tik-tak-tik-tak-tik-tak

Hmmmmmm... Grabe anong oras na pala, kamusta naman, late na ko sa klase. Kolehiyo na ko, ngunit andiyan pa rin. Nandiyan pa rin ang pilit tinatakasan ng bawat isa ang anino ng kahirapan, hayyy. Nandiyan pa rin ang mga batang kapitolyoyo.


"Kung ang biyaya ay laganap bakit marami ang naghihirap?"


Likha ni: Jenny Rose B. Sales

Ang Aking Pag-tanaw sa Kahirapan

Mga pamilya na walang sariling tahanan, sila totoy at neneng na wala sa eskwela, mga gutom na sikmura at bulsang walang laman. Lahat ng ito'y dala ng kahirapan. Masaklap mang isipin kung tayo'y ganito, isipin mong may mas lalala pa kaya? Paano kung magkasakit ang kapatid, nanay o tatay mo at wala kang pera upang makapunta man lang sa ospital? Wala ngang kakainin sa hapag kainan, papaano pa kaya ang pambili ng gamot o pambayad ng ospital? Kung magkaganoon man edi papabayaan na ang taong may sakit hanggang wala ng pag-asang mabuhay. Ayaw man natin maaari itong mangyari. Iyan ang buhay.

Kahirapan madalas na dahilan kung bakit hindi nakakapag-aral o kaya ay hindi na natutuloy(humihinto sa pag-aaral).Ang kadalasang nasasabi "Wala po kaming pera pam-paaral." o kaya naman "Ang dami po naming magkakapatid kaya titigil muna po ako, sila po muna."Ganyan ang kadalasang naririnig natin na problema ng ating lipunan.
Ang mabuting kalusugan natin ay mahalaga kaysa sa yaman at dapat itong makamtan ng sino man ngunit bakit sa panahon ngayon ang mabuting kalusugan ay nagiging pribilehiyo na lang?Ang laki ng nagagawa ng kahirapan sa ating kalusugan. Nasisira nito ang ating ang ating buhay. Dahil sa sobrang mahal ng mga bilihin, Mas pinipili na ng mga tao yung mas mura buti kung ang mura na may kalidad ay parang paghahanap ng karayom sa puntok ng dayami at dahil dun wala namang napapasok na nutrisyon sa katawan ng taong bumibili minsan nga nakakasama pa. Ano nga ba mga dahilan bakit hindi masugpo ang kahirapan?

Siyempre unang unahindi lang naman isang bayan o lungsod o bansa ang apektado nito kundi buong mundo, laganap ito sa bawat sulok ng mundo at kung iniisip mo na malala na ang sitwasyon sa bansa natin nagkakamali ka siguro dahil hindi lang tayo ang naghihirap. Pangalawa ang mga nangungurakot na opisyal ng gobyerno na imbis payamanin at paunlarin ang bansa para masugpo ang kahirapan ang inaatupag nila ay ang papapabigat at pa laki ng kani-kanilang bulsa.Ngunit sa totoo lang kung pag-aaralan ang priblema ang puno't dulo nito ay KAHIRAPAN. Kahit napakaraming pag-iisip at pag-aaral na ginagawa, bakit nga ba walang pagbabago? Umiikot lang ang tanong at sagot nito. Sana isang araw magising tayo sa magandang umaga na puno ng pag-asa na tayo ay lalaya din sa kahirapan.


Sakit ng Lipunan

Kahirapan, sakit ng lipunan
Di masugpo kahit may paraan
Sa tingin mo, ano ang dahilan?
Kung bakit ganito ang kalagayan

Paano na ang kinabukasan?
Kung 'di tiyak ang kaligtasan
Meron pa nga bang pag-asa
Na ang mundo'y lumaya?

Ang kinabukasan ba'y maganda?
Kung walang edukasyong lumapat sa kanila
May trabaho bang naghihintay?
Kung hindi ka naman nakapag-aral.

Ang kalusugan ay mahalaga
Ngunit sa ngayon ito'y pribilehiyo na
Paano nga ba ang kalusugan?
kung walang nakahain sa hapag kainan

Hindi ba't ang pamilya dapat may tahanan?
Ngunit madami ang ang namumuhay sa daan
Sapat na ba ang ganito?
Kahit ang kaligtasan ay 'di matamo?

Mahirap maging mahirap
Wala ng espasyo sa kahit kaunting ginhawa
Isipin ang problema ay talaga namang masaklap
Sana nga'y tayo ay lumaya na.

Gumising sana tayo na may pag-asa
Dala kahit saan magpunta
Kanit sa gitna ng karagatan,mabubuhay ka
Basta ika'y maniwala sa Diyos na mapagpala.

Princess R. Domingo

Kahirapang Tulay sa Kamatayan

Kayhirap ngang maging hangal, sa bayan kong niluluhog,
kay dami na nga ang sa amin, sa hirap ay nalulugmok,
bibig pa ay nabusalan, mata’y kadluan ng bubog,
ganyan na nga ang sistema, sa lupa kong nabubulok.

O baki’t sa kahirapan, ano’t tayo’y naalipin,
kay dami nang tumatangis, kay dami pang dumaraing,
sukdulan na karapatan, naagaw at napasiil,
sukdulan na inihayag, ang karo mo sa’yong libing,

Ang tao sa luklukan mo, may maskarang balat-kayo,
ang lahat mong kayamanan, kamal-kamal na binuslo,
ito nanga ang bansa ng manloloko’t uto-uto,
Republikang naagnas, unti-unting natutuyo.

Ang sariling bandila, ay di mahawakan sa hiya,
kasarinlan baga ito’ng, igapos ng tanikala?
hindi ito ang nais ko’ng, ang buhay ay maralita,
kalayaan pala ito’ng, mga tao’y nagluluksa.

Magdusa ka o bayan ko,habang sila’y nagdiriwang,
iluha mo ang hirap mo’ng, kaylapit na sa libingan,
kawangis mo ang maraming, binaliw ng kahirapan
may takot na mabuhay pa’t ang nais ay kamatayan.

Lumuha ka’t sa dibdib mo’y pawiin nga yaring sakit,
magiting na hugutin nga,ang punyal dyan sa’yong dibdib,
luhaan mo yaon aba’ng, timawa sa iyong sahig,
tangisan mo ang bayan mo’ng, sa libingan’y nabubulid.

May araw ding hindi luha ang tutulo sa’yong mata,
kundi dugo’ng nagngangalit, ang guguhit sa’yong banga,
at kung sa araw ding yao’y, mawalan ka ng pandama,
bayaan nga na tanggapin ang sampal sa iyong mukha!

Sinong tao kaya sa sandaigdigan
Ang may dusa nitong aking kahirapan?
Di mo na nilingo't pinalungay-lungay
Pagsinta sa iyong walang kaliluhan.

Signos at planetas, nangasaan kayo?
Ikaw, Kamatayan, ngayo'y sumaklolo.
Aanhin ko ang buhay sa panahong ito,
Wala ring halaga kung ang sinta'y lilo.

Maghintay-hintay ka, irog kong pumatay,
Itong pinatay mo kung pagbabalikan
Di ko naman wikang ako'y panangisan,
Ihatid mo lamang sa tabi ng hukay.

Likha ni: Clarize Marie Anne S. Bautista