Thursday, October 9, 2008

Epidemya ng Kahirapan: May Gamot pa ba?

"Mahirap maging mahirap"-- kadalasan kong naririnig sa mga telenobela king saan ang mga bida ay mahihirap lamang.
Kahirapan, napakalawak kung bibigyan ng depinisyon at paliwanag. Tila isa itong malaking unos sa gitna ng araw. Isang bagay na bumubulok at sumisira sa sistema ng isang tao at sa komunidad na ginagalawan niya.
Sa ating bansa tila may sakit na walang kagamutan. Isang sakit na pumatay at patuloy na pumapatay sa milyon- milyon nating kababayan. Saan nga ba nagmula ang kahirapan? Sa mga bacteria, viruses o iba pang masasamang elemento sa paligid? Marahil, kung ang kahirapan ay nagmula sa ganoong bagay, siguro, ang mga syentista ay nakagawa na ng mga gamot upang masolusyonan ang mga problemang ito.
Ngunit ano nga ba ang tunay na sanhi ng kahirapang ito?
Ayon sa marami,ang kahirapan daw ay nagmula sa napakaraming bagay-- mga bagay na sa ngayon ay 'di natin malaman kung ano.
Minsan, sa paglagaling namin sa isang supermarket,, may nakita kaming isang batang magbabakal bote. 'Di ko malaman kung ano ba ang nararapat gawin. Kinausap namin ang bata. Siya si Abner. Nag-aaral daw siya atnasa ikalawang baitang na. Panganay sa apat na magkakapatid. Hinanap namin ang kanyang mga magulang. Sa una'y di siya makasagot, marahil ay nahihiya. Ngunit sumagot siya, " Nasa bahay pu yung nanay ko. Inaalagaan yung mga kapatid ko." Nagtaka ako kung bakit 'di niya binanggit ang kanyang ama. Bago pa man ako magtanong, inunahan na niya ako. "Wala na po si tatay. Humanap na po siya ng ibang asawa, iniwan na niya kami. Mas pinili po niya yung babaeng sumasayaw sa club kesa sa nanay ko. Nahihirapan na daw po kasi siya sa amin. Kaya po ako nagbabasura ngayon ay para matulungan ang nanay ko sa pagbuhay sa amin." Napansin kong nangingilid na ang kanyang mga luha, kaya't tumigil muna kami sa pagtatanong. Nagpaalam siya kaagad sa amin dahil baka raw maunahan siya ng iba pang basurero at magbabakal sa pinagkukuhanan nila ng mapagkikitaan. Binigyan namin siya ng pera bilang kaunting tulong.
Sa pangyayaring iyon, mas nakita ko kung gaano talaga kahirap ang buhay sa ngayon. Ang mga kabataan sanang nasa paaralan para mag-aral ay nasa lansangan upang magtrabaho o 'di kaya'y mamalimos.
Noong isang linggo, nakapanood ako ng isang palabas na nagpapakita ng buhay ng isang batang bugaw, batang humihithit ng rugby, at mga batang pakalat-kalat sa lansangan. Kung ating pakaiisipin, ang mga bata bang ito ang sinasabing pag-asa ng bayan? Sino ba ang dapat sisihin sa mga bagay na ito? Ikaw? Ako? Ang gobyerno ba? Ang mga magulang ng bata na hinahayaan lang sila na magpakalat-kalat at magtrabaho sa kalye?
Napakarami ng nagtatayugan at naglalakihang gusali at impraspraktura sa ating bayan ngunit napakaraami pa ring pamilya ang walang bahay na magsisilbi sanang tahanan.
Napakaraming bagong imbentong "gadgets" at kagamitan ngunit napakaraming tao higit lalo ang mga bata ang namamatay dahil sa gutom.
Napakaraming bagong graduates ngunit napakaraming tao rin ang walang trabaho.
Tunay ngang napakahirap maging mahirap. Ngunit ano ba ang solusyon sa problemang ito. Nasa gobyerno ba ang solusyon? Kung ang lahat ng salapi na nililikom ng pamahalaan sa mga taong-bayan ay hindi napupunta sa katiwalian – graft and corruption at hindi nagagastos sa maling pagkakagastos – tiyak na malaking mababawas sa bilang ng mga pobre, magkakaroon tayo ng populasyon at ng progreso, magkakaroon tayo ng populasyon na siyang magiging puwersa at alituntunin ng kaunlaran. Ngunit, 'di lahat ng bagay ay responsibilidad ng ating pamahalaan. Nararapat na tayo'y tumulong sa kanila at kapit-bisig nating harapin ang magandang bukas...

by: Rhea Rhubie B. Nicanor

No comments: