Thursday, October 9, 2008

Kahirapan sa Mundong ating Ginagalawan

Sadya nga talagang kahirapa'y tanyag,

Lalong dumarami bayang nalalaglag.
Parang isang sakit kay daling kumalat,
Katulad ng bilis ng matuling kidlat.

Sa ating paligid iyong mapapansin,
Tao, bagay, lugar pati na gawain.
Tila isang Obra ng Diyos na Butihin,
Bawat likha Niya'y may dahila't layunin.

O bakit ganito kinagisnang mundo,
Mga patakara'y walang pagbabago.
Itong naghihirap lalong nasasadlak;
mayayaman nama'y hayu't kaybusilak.

Sino ba'ng tutulong upang makaahon,
Sa mga problemang nasa'n ang solusyon;
Halina't gumising tayo'y hinahamon,
Nitong ating mundong kaytagal nang baon.

O sadyang kayhirap isilang sa hirap,
Palagi na lamang itong nangangarap.
Yaman nitong buhay laging hinahanap,
Tanging inaasam mabuhay sa sarap.

Ngunit ano nga ba ang pinagmulan,
Kung ba't kaya ngayon ay nahihirapan?
Sinong nararapat na ating sisihin,
Sa lahat ng itong dinadalang pasanin?

Itong edukasyon isa sa dahilan,
Kung bakit ang tao'y kapos kaalaman.
Nariyan ang iba 'di nakapag-aral,
Kung kaya naman lumaking mga hangal.

Bawat oras natin huwag nang sayangin,
Bigyan ng halaga ating pagyabungin.
Darating ang oras tayo'y sisingilin,
Nang sariling bayang sawa ng mangilin.

Itong munting aral ng tulang sinulat,
Mayro'ng kinalaman sa pagiging salat.
Sa bawat biyayang ating tinatanggap,
Marapat na tayo'y laging magsumikap.

Sa buhay man ngayon ay nahihirapan,
Hindi dapat natin ito pabayaan.
Ito'y nararapat na inaalala,
Na sa kahirapa'y makawala't lumaya.

By: Janine C. Magsakay
Ce-1A


No comments: