Thursday, October 9, 2008

Pisara

Hapon na. Labasan na ng mga estudyante sa paaralang hindi niya alam ang pangalan. Nagmadali na siyang pumunta sa may gate ng paaralan; nag-aabang sa isang estudyanteng hindi nakakalimot sa pagbibigay sa kanya ng pagkain.Minsan ay ginagabi na ito sa paglabas, pero ayos lang 'yon.

Naghintay lang siya. Mukhang gagabihin siya ngayong araw. Hindi niya alam kung bakit ginagabi ang estudyanteng 'yon; maaga namang lumabas ang iba. Sa tingin niya ay hindi niya 'yon kailanman malalaman pa; walang pag-asang makakapag-aral siya. Malabo.

Pero paano nga ba siya napadpad sa lugar na 'yon? Hindi niya na maalala. Ang alam n'ya ay umalis siya sa kanila; ayaw n'ya na sa lugar nila - magulo, at laging mainit ang ulo ng mga tao. Pagkatapos nu'n ay nakakita s'ya ng kumpol ng mga bata na naglalaro sa may parke. Nakilaro s'ya at sumama na sa kanila. Pare-pareho silang kumalam ang tiyan, umasa sa ulan sa paliligo, at walang habas na nangulit ng mga tao para sa kaunting barya.

At nakarating na nga sila sa lugar na 'yon at nakilala ang estudyanteng hinihintay n'ya ngayon. Iba s'ya. Hindi siya nainis nu'ng kinulit n'ya ito para sa kaunting limos, pero hindi rin naman siya nagbigay ng pera. Pagkain ang binigay nito sa kanya. At habang kumakain s'ya nu'n ay tinanong ng estudyanteng 'yon ang mga nangyari sa buhay n'ya. Gumaan agad ang loob n'ya sa estudyanteng 'yon.

Ganu'n din ang nangyari ng sumunod na araw... at ng sumunid pa... at nmg sumunod pa... hanggang makagawian na n'ya na abangan ang estudyanteng 'yon araw-araw na may pasok sila.

Ayan na siya!!! Ang estudyanteng may katagalan na rin niyang hinihintay. May dala itong kung anong bagay, pero hindi niya 'yon alam kung ano.

"Para sa'n 'yan, ha?" ang tanong niya.

Binigay nito sa kanya ang dalang pagkain bago sumagot. "Para sa'yo. Pisara 'yung tawag d'yan. Maliit nga lang 'yan. D'yan ka magsusulat" - may pinakita itong mga puting stik - "gamit ng chalk. 'Di ba sabi mo sa'ken dati gusto mo'ng matutong 'sulat pangalan mo?"

Wala siyang nagawa kundi ngumiti.
***
Hapon na. Labasan na ng mga estudyante sa paaralang hindi niya alam ang pangalan. Nagmadali na siyang pumunta sa may gate ng paaralan. Natutuwa siya. Gustong-gusto na niyang makita ang estudyanteng hindi nakakalimot sa pagbibigay sa kanya ng pagkain. Sa wakas ay maipapakita na niya sa estudyanteng 'yon ang bunga ng ilang araw n'yang pagtitiyaga sa pagtuturo sa kanya:

"Jing"

Naisulat na niya ang kanyang pangalan.
***


Ni: Aileen DC. Sanchez


No comments: