Thursday, October 9, 2008

Anino ng Kapitolyo



"Tik-tak-tik-tak-tik-tak"

"Aww! Ala singko na!"

"Yehey!"

Kapitolyo moments na naman. Ito ang pang araw-araw na eksena sa aking buhay noong ako'y High School kasama ang barkada. Ilang oras na kwentuhan, asaran at tawanan. Kapitolyo na ang naging tambayan ng mga estudyante. Malaya kasi ang bawat isa na pumunta rito.

"Ate, ate, penge naman pong piso..." dalawang bata ang kumalabit sa aking braso. Marungis, puro grasa, hindi maayos ang pananamit, magulo ang buhok at para bang laging pagod.

Pangkaraniwan na ito sa lugar ng kapitolyo; mga batang nagkalat at nanghihingi sa mga estudyanteng naglalakad. Marami ang lumalayo ngunit may ilan din namang naawa at nililimusan sila.Pumasok sa aking isipan, nasaan ang kanilang mga magulang? Bakit hinaayaan nila ang mga batang ito na gawin ang mga bagay na dapat ay hindi nila ginagawa. Makatarungan ba ang kanilang sinasapit ngayon? Musmos pa lamang sila ngunit sadlak na kaagad sila sa hirap ng buhay.

Nabalik ang tuon ko sa dalawang bata, syempre hindi mo maiaalis sakin ang pag-iwas, ngunit alam ko naman na hindi dapat iyon ang aking gawin. Para sa akin mas pipiliin ko silang bigyan ng makakain kaysa sa pera masisigurado kong mabubusog pa sila.

Napakaswerte ko!!! Ito lang ang tanging tumatakbo sa aking pagiisip ng mga panahong iyon, dahil may mga magulang ako na hindi ako hinahayaang magpakalat-kalat kung saan-saan, binihisan nila ako ng maayos, inalagaan ng mabuti, pinaranas nila sa akin ang pagiging bata, nakapag-aaral ako, naktutulog sa maayos na higaan at higit sa lahat ginagabayan ako sa aking mga ginagawa. Oo nga, mali na ipagkumpara ang aking sarili sa mga batang iyo, ngunit hindi ko talaga ito maiwasan. maraming bagay ang dapat kong ipagpasalamat kahit mumunti lang ito dahil napakapalad ko.


Ito ba ag tunay na anyo ng kapitolyo? Sa likod ng magandang imahe nito ay ang kahirapang hindi mapagkakaila ng sinuman? Dahil sa bawat bata na makikita, masasalamin ang realidad ng buhay. Ang kahirapang lumalamon pailalim sa ating mga pilipino. Pilit man nating itago, nariyan ang katotohanan,ang anino na patuloy nating kasama.

tik-tak-tik-tak-tik-tak

Hmmmmmm... Grabe anong oras na pala, kamusta naman, late na ko sa klase. Kolehiyo na ko, ngunit andiyan pa rin. Nandiyan pa rin ang pilit tinatakasan ng bawat isa ang anino ng kahirapan, hayyy. Nandiyan pa rin ang mga batang kapitolyoyo.


"Kung ang biyaya ay laganap bakit marami ang naghihirap?"


Likha ni: Jenny Rose B. Sales

No comments: