Thursday, October 9, 2008

Mag BLOG na!!!!!....

Kung iyong iisipin ang sagot sa tanong na ito (Blog Sagot sa Kahirapan?), ano ang unang isasagot mo? Ang una kong sasabihin, OO. Una, dahil ako ay isang blogger at alam ko ang kaugnayan ng pera sa ginagawa ko ngayon. Maaring maging sagot ito sa kahirapan at maaari itong makatulong kahit sa maliit na paraan lamang. Ngunit kung tatanungin natin ang isang hindi blogger, maaaring isagot nya, “Hindi ko alam.”
Ano nga ba ang pananaw ng isang hindi blogista sa blogs. Maaaring ibat-iba. Kung babalikan ko noong unang pagkakataon na ako ay nagsulat sa blog na ito pitong buwan ang nakaraan, wala sa isipan ko ang ideya na maaari pala akong kumita sa blog. At dahil sa interest kong ipagpatuloy ang pagsusulat dito, unti-unti kong natutunan ito.
Ang mga sagot na ito ay isa sa mga libo-libo na maaari nating madinig sa isang blogista. Lahat tayo dumaan sa prosesong ito.
Balik tayo sa tanong. Maaari bang maging sagot sa kahirapan ang pagba blog? Bakit hindi? Maaaring ang ilan ay natatawa sa tanong na ito. Maaaring ang iba ay sang-ayon at ang ilan ay hindi. At maaari naman ang iba ay walang pakialam. Pero naisip mo na ba kung tuturuan natin ang ilang kababayan natin na mag-blog, sa tingin mo ba maaari din nilang kitain ang kinikita ng iba? Ang aking sagot, OO.
Ating suriin, halimbawa, kung ang isang pangkarinawang empleyado ay kumikita ng P350/day x 22 days = P7,700.00 or equivalent to US$188.00 per month (US$41). Sabihin nating 10% na lamang ang kaltas mula sa TAX, SSS, PAG-IBIG etc. ang kabuuang makukuha nya sa isang buwan ay P6,930.00 or US$160.00.
Paano kung mas higit pa sa halagang yan ang kitain nila sa pagba-blog? Tingin mo ba, isang malaking tulong na iyan sa isang taong hindi sapat ang kinikita?
Hindi sa pagmamalaki ang halagang yan ay higit pa sa kinita ko noong nakaraan buwan sa aking pagba-blog. Ako ay bagito pa lamang para i-monetize ang blog na ito. Nagsimula akong gumamit ng Google Adsense noong September 2007 at sa mga bayad na serbisyo mula sa advertisers noong December 2007 lamang. Malaki ang aking pasasalamat sa taong nagbukas ng aking kaisipan sa ideyang ito. Siya ang isa sa mga bloggers na maipag-mamalaki natin, si Reyna Elena
.
Hindi ko hinikayat ang sinuman ang maging tamad sa paghahanap ng trabaho at lalong hindi ko hinihikayat ang sinuman na magresign. Ngunit kung iisipin mo, kung hirap ka sa paghahanap ng trabaho, bakit hindi mo subukan ito? At kung me hanap-buhay ka naman, bakit di mo gawing part-time ang pagsusulat?
Hindi po layunin ng blog na ito na gawing komersyalismo ang larangan ng blog. At lalong hindi po ako naglalayon na sirain ang reputasyon nating mga blogista. Maaari sa panahon ngayon, isang paraan para makatulong tayo sa ibang kababayan natin ay mailarawan at maipakita sa kanila na mayroon palang pag-asa para kumita ng pera sa malinis na paraan. Huwag nating ipagdamot ang ating mga kaalaman. Kapwa Pinoy dapat tayo’y nagtutulungan.
Nawa’y nakatulong ang artikulong ito lalo na sa mga nagbabalak pasukin ang larangang ito. At sa mga kapwa ko blogista, kung mayroon kayong nais idagdag dito, kayo ay maluwag kong inaanyayahan na mag-iwan ng konting payo para buksan ang kaisipan ng ilang mga kababayan natin.
Maraming salamat po at Mabuhay tayong mga Pinoy Bloggers!
Rose Anne S. Guico CE 1A

No comments: