Thursday, October 9, 2008

Gunita At Galak

Isa na siguro sa mga bagay na naranasan na nating lahat, maging sino ka man, nasa silangan man o kanluran, mayaman man o mahirap, matanda man o bata, ay ang paghihirap sa pangkalahatang salita, hindi lamang sa salapi. Lahat tayo nakaranas nang maghirap isa, dalawa, o maraming beses sa buhay natin. Mapalad ka na lang talaga kung hindi pa, o tunay mo nga lang talagang nasanay lokohin ang sarili mong pag-iisip, na hindi rin naman masama.
Bakit ko namang naisipang magsulat tungkol sa paghihirap? Marahil dahil na ito sa kalagayan ng daigdig natin ngayon. Grabe, hindi na talaga maganda ito, mga ekonomiya patuloy na bumabagsak, mga sakunang lubos sa pagkapus-palad, halaga ng gasolina at lahat na ng mga bilihan patuloy-tuloy ang pagtaas, mga taong naghihirap, gumagapang sa kahirapan ng buhay, taong may mga sakit, taong hindi makakain nang matino o makainom ng malinis na tubig, suliranin sa pamilya, sa pag-aaral, sa pag-ibig, sa pagkatao, sa katawan, lahat na! Ano na nga ba talaga ang nangyayari sa mundo?
Mahirap siguro talagang isipin at hakain kung gaano kahirap ang dinaranas ng nakararaming mga tao hangga’t hindi mo nasubukang tumayo sa kinatatayuan nila, lalong-lalo na kung pinagpala kang lumaki sa mabuting pamilya, pero hindi mo pa rin maitatanggi sa iyong isipan ang malubhang katayuan nitong mga taong ito.
Eh ang walang-katapusang tanong, tayo ba ang may kasalanan kaya’t ganito ang mga nangyayari sa buhay natin? Tayo ba ang nanghihikayat nitong mga negatibong sitwasyon papasok sa buhay natin? O tayo lang ba ang mga tangang walang ginawa kundi maghintay ng himala’t mabago nang bigla ang mga buhay natin sa halip na mag-isip kung paano maisasatuwid ang mga baluktot nating mga buhay at pagtiyagaan na gawin ito kahit na’t magiging matagal at mahirap?
Oo nga’t may mga bagay na hindi rin talaga nating maiiwasang mangyari sa atin, pero nasa atin lang kung paano natin haharapin itong mga hindi maiwasang mga bagay na ito. At kung paano natin gagawin ito nang hindi umaasa sa iba. Totoo, maganda ang pagtutulungan pero harapin naman natin ang katotohanan: ang mga tao nabubuhay lamang para sa sarili lamang, para umasenso, kailangan muna nating tulungan ang ating mga sarili, pagkatapos kung kaya natin, na talaga namang makakaya natin, matutulungan natin ang iba. Kasi naman, kung lahat ay naghihirap, eh paano naman makakapagtulungan, kahit man sabihin ng iba diyan na mas magiging madali ang mga bagay kung magtutulung-tulungan, eh ang mga tao nga, iniisip lang talaga niyan kung paano maiaahon ang mga SARILI nila muna, ayun ang unang-una nilang priyoridad, palaging iyon muna bago ang iba. Mayroon man diyang ibang makabayaning uunahin ang iba, pero iilan lang talaga ang mga iyon, at ang mangyayari, lulubog na lang sila sa kumunoy habang ang iba ay pilit silang ginagamit bilang patungan. Isang pangit na bagay ngunit iyan ang katotohanan.
Kaya mga tao, kung naghihirap man kayo, huwag nang ipaasa ang tulong sa iba, lahat ng tao nagdurusa, hindi lang ikaw! Sa buhay dito sa mundo, ang sarili mo lang ang hawak mo, ikaw may hawak ng kapalaran mo, at kung hindi ka magpupursige, ikaw rin ang malulugi. Ang mabuhay ay parang pagtakbo, hindi ka makakarating sa paroroonan mo hangga’t hindi mo gagamitin ang sarili mong mga paa upang tumakbo. May posibilidad mang may mag-aakay sayo, o may magtutulak sa iyo, pero na sa iyo na rin kung gagamitin mo ang oras mong maghintay para sa isang bagay na walang katiyakan, o talagang pipilitin mong tumayo at tumakbo sa kabila ng mga galos at hinagpi na naranasan, dinaranas at mararanasan mo.


Anthony Carlo Mariano

No comments: