Thursday, October 9, 2008

Kahirapang Tulay sa Kamatayan

Kayhirap ngang maging hangal, sa bayan kong niluluhog,
kay dami na nga ang sa amin, sa hirap ay nalulugmok,
bibig pa ay nabusalan, mata’y kadluan ng bubog,
ganyan na nga ang sistema, sa lupa kong nabubulok.

O baki’t sa kahirapan, ano’t tayo’y naalipin,
kay dami nang tumatangis, kay dami pang dumaraing,
sukdulan na karapatan, naagaw at napasiil,
sukdulan na inihayag, ang karo mo sa’yong libing,

Ang tao sa luklukan mo, may maskarang balat-kayo,
ang lahat mong kayamanan, kamal-kamal na binuslo,
ito nanga ang bansa ng manloloko’t uto-uto,
Republikang naagnas, unti-unting natutuyo.

Ang sariling bandila, ay di mahawakan sa hiya,
kasarinlan baga ito’ng, igapos ng tanikala?
hindi ito ang nais ko’ng, ang buhay ay maralita,
kalayaan pala ito’ng, mga tao’y nagluluksa.

Magdusa ka o bayan ko,habang sila’y nagdiriwang,
iluha mo ang hirap mo’ng, kaylapit na sa libingan,
kawangis mo ang maraming, binaliw ng kahirapan
may takot na mabuhay pa’t ang nais ay kamatayan.

Lumuha ka’t sa dibdib mo’y pawiin nga yaring sakit,
magiting na hugutin nga,ang punyal dyan sa’yong dibdib,
luhaan mo yaon aba’ng, timawa sa iyong sahig,
tangisan mo ang bayan mo’ng, sa libingan’y nabubulid.

May araw ding hindi luha ang tutulo sa’yong mata,
kundi dugo’ng nagngangalit, ang guguhit sa’yong banga,
at kung sa araw ding yao’y, mawalan ka ng pandama,
bayaan nga na tanggapin ang sampal sa iyong mukha!

Sinong tao kaya sa sandaigdigan
Ang may dusa nitong aking kahirapan?
Di mo na nilingo't pinalungay-lungay
Pagsinta sa iyong walang kaliluhan.

Signos at planetas, nangasaan kayo?
Ikaw, Kamatayan, ngayo'y sumaklolo.
Aanhin ko ang buhay sa panahong ito,
Wala ring halaga kung ang sinta'y lilo.

Maghintay-hintay ka, irog kong pumatay,
Itong pinatay mo kung pagbabalikan
Di ko naman wikang ako'y panangisan,
Ihatid mo lamang sa tabi ng hukay.

Likha ni: Clarize Marie Anne S. Bautista

No comments: